Suportado ni Senator Christopher “Bong” Go ang panukala na rebisahin ang K-12 program ng Department of Education (DepEd).
“I welcome any review sa existing K-12 program. Tingnan natin nang mabuti. Alam n’yo, marami ang disadvantages, mayroon ding advantages nitong K-12 lalo na ngayon, nagbago na ang takbo dahil sa pandemya,” katuwiran ng senador.
Dagdag pa nito, kailangan nang makapag-adjust ang sistemang pang-edukasyon sa bansa sa tinatawag na ‘new normal,’ kasama na ang pangangailangan sa pangdaigdigang ekonomiya.
“Ibig kong sabihin, makibagay lang tayo sa bagong sistema sa ating edukasyon, sa makabagong panahon sa new normal. Tingnan nang mabuti, i-review natin nang maayos kung makakatulong pa rin ito sa K-12 lalo na ngayon dalawang taon po medyo na-behind ang mga estudyante,” dagdag pa nito.
Ipinag-utos na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang pagrebisa sa programa, ayon kay Vice President at Education Secretary Sara Duterte.
Kabilang sa mga isinusulong ng senador ang reporma sa sistemang pang-edukasyon sa bansa at kabilang siya sa co-authors ng Republic Act 11510 o ang Alternative Learning sa bansa.