Hindi personal na makakadalo si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga 2nd District Rep. Gloria-Macapagal Arroyo sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong Marcos, Jr. sa Lunes, Hulyo 25.
Ito ay makaraang magpositibo sa COVID-19 si Arroyo.
Ayon sa kaniyang chief of staff na si Erwin Krishna Santos, nagpositibo ang dating Pangulo sa isang antigen test noong Hulyo 15 at agad sumailalim sa self-quarantine sa ilalim ng pangangalaga ng kaniyang personal physician na si Dr. Martha Nucum.
Sinabi naman ni Dr. Nucum na umiinom ang kongresista ng mga gamot at supplement na kailangan ng isang COVID-19 patient.
Gayunman, nang sumailalim sa RT-PCR test noong Sabado, Hulyo 22, positibo pa rin sa nakahahawang sakit ang mambabatas.