Mayor Belmonte, kinondena ang pamamaril sa Ateneo

Quezon City government photo

Mariing kinondena ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang insidente ng pamamaril sa Ateneo de Manila University (ADMU) sa Quezon City.

Tatlo ang napaulat na nasawi sa naturang insidente.

Tinukoy ng Quezon City government ang mga biktima na si dating Mayor Rose Furigay, isang Ateneo campus security guard, at isang hindi pa nakikilalang lalaki na maaring personal security ng alkalde.

“This kind of incident has no place in our society and must be condemned to the highest level,” pahayag ng alkalde.

Humiling si Belmonte sa Quezon City Police District (QCPD) na ipagpatuloy ang pagkakasa ng imbestigasyon upang agad na maibigay ang nararapat na hustisya sa mga biktima.

“We also extend our sincerest condolences to the families and loved ones of the victims who lost their lives in the incident,” saad pa nito.

Samantala, bahagi naman ng pahayag ni QCPD Chief General Remus Medina, ipinarating nito ang taos-pusong pakikidalamhati sa mga biktima, lalo na sa kanilang pamilya.

“Mariin po naming kinokondena ang insidente dahil hindi namin kinukunsinti ang anumang karahasan at kawalang-katarungan lalo na dito sa Lungsod Quezon,” ani Medina.

Dagdag nito, “Sisiguraduhin namin ang agarang solusyon upang mabigyan ng hustisya ang mga biktima.”

Tiniyak naman ni Mayor Belmonte na magtutulungan ang Quezon City government, QCPD, kasama ang iba’t ibang departamento, task force, at ahensya para mapaigting ang seguridad at maipatupad ang mga hakbang upang masigurong walang mangyaring untoward incident sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa Lunes, Hulyo 25.

Istrikto rin anilang ipatutupad ang gun ban.

Read more...