DSWD pinag-iingat sa pagbura sa 4Ps beneficiaries

Binalaan ni Senator Risa Hontiveros ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa planong pagtatanggal ng higit isang milyong benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Diin ni Hontiveros, kailangang maberipika muna kung 100 porsiyentong ‘graduate’ na sa kahirapan ang mga pamilyang binabalak na alisin na sa programa.

“Kailangan i-update ang listahan ng mga benepisaryo dahil 2019 pa kinolekta ang impormasyon dito. Mula 2019 marami ang nawalan ng trabaho, naubos ang ipon, kinakapos sa panggastos dahil patuloy na tumataas at tataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin,” aniya.

Sa paniniwala pa ng senadora, kapag na-update na ang listahan, saka pa lamang maaring magpalista ng mga bagong benepisaryo sa pamamagitan ng National Household Targeting System for Poverty Reduction o Listahanan.

Una nang inanunsiyo ni Social Welfare Sec. Erwin Tulfo na may 1.3 milyon sa 4Ps ang ‘graduates’ na kayat maaring nang alisin sa listahan ng mga benepisaryo.

Nilinaw lang niya na gagawin ito kapag nakumpirma na ang tunay na kalagayan ng mga ito.

Read more...