Ipinanukala ni Senator Christopher Go ang mas aktibong pakikibahagi ng pribadong sektor katuwang ang kinauukulang ahensiya ng gobyerno para sa mas malawak na socialized housing program sa bansa.
“Dapat po magkaroon ang bawat pamilyang Pilipino ng isang maayos at disenteng tirahan. Nais ko pong bigyan ng mas maginhawang buhay ang bawat Pilipino, lalung-lalo na po ang mga mahihirap. Walang dapat maging squatter sa sariling bayan,” diin ni Go.
Nais ng senador na maging aktibo ang pampubliko at pribadong sektor sa pagsuporta sa mga programa ng National Housing Development and Production Financing (NHDPF) program.
Sa kanyang Senate Bill No. 426, paiigtingin naman ng Department of Human Settlements and Urban Development at mga pinangangasiwaan na ahensiya ang pagpapatupad ng mga programa ng NHDPF.
Samantalang ang National Housing Authority (NHA) ang titiyak na maipapatupad ang mga programang pabahay para sa 30 porsiyento ng tinatawag na ‘income population.’
Sinabi din ni Go na kailangan din ang epektibong pagpapatupad ng Social Housing Finance Corp. at National Home Mortgage Finance Corp. ng kanilang mga mandato.
Inihain din muli ng senador ang kanyang ipinapanukalang Rental Housing Subsidy Bill.