Mga lugar sa Kanlurang bahagi ng Luzon, Visayas uulanin pa rin dahil sa LPA, Habagat

DOST PAGASA satellite image

Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ayon kay PAGASA Weather Specialist Chris Perez, huling namataan ang LPA sa layong 40 kilometers Silangan Hilagang-Silangan ng Itbayat, Batanes.

Malabo pa ring maging bagyo ang naturang LPA.

Samantala, nakakaapekto pa rin ang Southwest Monsoon o Habagat sa Kanlurang bahagi ng Western at Central Luzon, at maging sa Visayas.

Asahan aniyang makararanas pa rin ng kalat-kalat na pag-ulan sa Ilocos region, Cordillera Administrative Region (CAR), at Cagayan bunsod ng LPA.

Magiging maulap din ang papawirin na may kasamang pulo-pulong pag-ulan, pagkidlat at pagkulog sa Zambales, Bataan, Cavite, Occidental Mindoro, at Palawan kasama ang Kalayaan Island dahil sa Habagat.

Pinayuhan naman ang mga residente sa mga nabanggit na lugar na maging alerto sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa.

Read more...