Ayon kay Col. Jean Fajardo, tagapagsalita ng PNP, sumulat na sila sa NBI, sa pamamagitan ng kanilang Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM), para sa kanilang hiling na mabigyan ng kopya ng reklamo.
Dagdag pa ni Fajardo, hindi sila sigurado kung ang mga naglalabasang pangalan ay ang mga kinasuhan sa Department of Justice (DOJ) kaya’t nag-iingat sila sa pagbibigay ng anumang pahayag.
Unang inanunsiyo ng NBI na 22 opisyal at tauhan ng NCRPO ang inireklamo ng murder base sa mga salaysay at ebidensiya na kanilang nakalap.
Sinegundahan naman ni NCRPO chief Maj. Gen. Felipe Natividad ang pahayag na ito ni Fajardo sa katuwiran naman na hindi siya maaring dumiretso sa NBI dahil ito ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng DOJ.
“Considering na NBI I cannot go straight to the NBI kasi ibang department yan under DOJ. Siyempre kailangan respeto tayo sa higher headquaters. Sila dapat ang makipag ugnayan doon, hindi ako. Really I don’t know about it and then wala pa akong pangalan, hindi ko rin alam,” ani Natividad.