Opisyal nang magsisimula ngayong araw ang taunang Brigada Eskwela ng Department of Education (DepEd) kung saan maraming volunteers ang nagtutulong-tulong para linisin at pagandahin ang mga paaralan bago mag-pasukan ang mga mag-aaral.
May temang “Tayo Para sa Paaralang Ligtas, Maayos, at Handa Mula Kindergarten Hanggang Senior High School” ang Brigada Eskwela 2016.
Ayon kay Education Sec. Bro. Armin Luistro, ang layunin nito ay hindi lang para ihanda ang mga paaralan sa pagbabalik ng mga estudyante kundi para rin ihanda ang buong implementasyon ng K to 12 program.
Nais rin nilang magkaisa ang mga komunidad para tiyakin ang magandang kinabukasan ng mga susunod na henerasyon.
Kadalasang nagtutulungan sa pagha-handa ng mga paaralan sa muling pagbabalik ng mga estudyante ang mga magulang, guro, estudyante, alumni, pulis, sundalo, at iba pang mga grupo mula sa pribadong sektor.
Mayroon ring mga nagdo-donate ng mga kailangang materyales tulad ng pintura, gamit ng mga guro o ng mga estudyante, walis at iba pang kagamitang pang-linis.
Ang Brigada Eskwela 2016 na itinuturing ni Luistro na makabagong uri ng bayanihan ay magsi-simula ngayong araw ng Lunes, May 30 hanggang June 4, araw ng Sabado.
Kaugnay nito, nanawagan rin ang DepEd ng mas marami pang volunteers para mas mapadali at mas mapaganda ang mga paaralan.