Nais ni Senator Grace Poe na magkaroon ng kapangyarihan ang pangulo ng bansa na masuspindi ang pagtaas sa kontribusyon sa Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth).
Layon ng kanyang panukala, ayon sa senadora, ay mabawasan ang pasanin ng mamamayan.
“Ang pagtaas ng kontribusyon ay isinabay sa panahong pilit na bumabangon ang taumbayan sa epekto ng pandemya at pagmahal ng presyo ng mga pangunahing bilihin,” saad ni Poe.
Dagdag pa nito; “Kailangan nating pakinggan ang daing ng ating mga kababayan na mapakain ang kani-kanilang pamilya at magkatrabaho para mabuhay, na walang dagdag-pabigat kundi tulong mula sa pamahalaan.’
Nakasaad sa panukala na sa pag-iral ng state of national emergency o public health emergency o state of national calamaity, maaring suspindihin ng Punong Ehekutibo ang pagtaas sa kontribusyon sa Philhealth.
Layon ng panukala ni Poe na maamyendahan ang RA 11223 o ang Universal Health Care (UHC) Act.
“Sa pagbibigay kapangyarihan sa Pangulo na ipagpaliban ang pagtaas ng kontribusyon sa PhilHealth sa panahon ng pangangailangan, maisasalba rin natin ang ating mga kababayan mula sa kagipitan,” ayon kay Poe.
Noong nakaraang buwan, sinimulan ng Philhealth ang paniningil ng karagdagang kontribusyon mula sa kanilang mga miyembro.