Uunahing harapin ni incoming President Rodrigo Duterte ang mga krisis na nagbibigay ng malaking problema sa publiko oras na siya ay magsimula na sa kaniyang panunungkulan.
Ayon kay Duterte, kailangan niyang magdeklara ng krisis laban sa krimen lalo na sa iligal na droga at sa palpak na public transportation partikular na sa EDSA.
Ang magiging pinakauna at pinakamalaking proyekto niya ay ang pagkakaroon ng railway sa Pilipinas at mayroon na aniyang mga nais tumulong pero tatanungin pa ang mga ito kung ano naman ang hihingin nilang kapalit.
Wala pa naman aniya siyang detalyadong plano tungkol dito, pero nais niya sanang magkaroon ng tren na tatagos mula Maynila hanggang Nueva Vizcaya, Sorsogon at mga probinsya sa Batangas pati na rin ang isang railway system sa buong Mindanao.
Nagpahiwatig naman si Duterte na posibleng isa sa mga hingan ng tulong ay ang China, dahil sa totoo lang ay wala namang pera ang Pilipinas para dito.
Tiniyak naman ni Duterte na hindi niya pababayaan ang usapin sa Scarborough Shoal dahil lang sa posibleng kasunduan sa pagpapagawa ng railway system sa China.
Sa ilalim ng Arroyo administration, nagkaroon na rin ng katulad na plano at ito ang NorthRail project na magdu-dugtong sa Metro Manila patungo sa Diosdado Macapagal International Airport sa Clark Field, Pampanga.
Ngunit nadiskaril ang proyekto matapos magdesisyon ang Supreme Court na iligal ito dahil sa kakulangan ng competitive bidding, at kinailangan pa tuloy magbalik ng Pilipinas ng $593 million sa China para sa nasabing proyekto.