Isang residente ng Mocaboc Island, arestado matapos makuhanan ng ilegal na sangkap sa paggawa ng dinamita

Photo credit: Coast Guard District Central Visayas/Facebook

Nahuli ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine National Police (PNP) ang isang residente ng Mocaboc Island makaraang makuhanan ng ilegal na sangkap sa paggawa ng dinamita sa Tubigon, Bohol.

Naganap ang operasyon sa gitna ng pamamahagi ng social pension sa mga senior citizen ng Mocaboc Island, kung saan naghatid ng security assistance ang PCG at PNP sa lokal na pamahalaan ng Tubigon.

Sa kasagsagan ng inisyatibo, nag-inspeksyon ang PCG at PNP sa tirahan ni Lemuel Batuasa, isa sa mga suspek ng PNP.

Nadiskubre ng mga awtoridad ang illegal paraphernalia sa tirahan nito.

Nakumpiska ng mga awtoridad ang 72 pirasong transparent plastic cellophane na naglalaman ng isang kilong ammonium nitrate; isang pirasong homemade dynamite; dalawang itim na plastic storage boxes; isang pulang container; isang unit ng weighing scale; isang piraso ng transparent plastic; isang bundle ng 38 improvised time fuse na may blasting cap sa magkabilang dulo; tatlong bundle ng improvised time fuse na may blasting cap sa magkabilang dulo, na naglalaman ng 50 piraso bawat bundle; isang bundle ng 46 pirasong improvised time fuse na may blasting cap sa isang dulo; isang roll time fuse; isang pack ng transparent plastic cellophane; isang sako ng ammonium nitrate; at anim na empty sacks ng ammonium nitrate.

Dinala ng PCG at PNP ang mga narekober na kagamitan sa Bohol Provincial Explosive Canine Unit (BPECU) at Bohol Provincial Forensic Unit (BPFU) para sa laboratory examination.

Photo credit: Coast Guard District Central Visayas/Facebook

Read more...