20 panukalang batas, ikinasa ni Senador Bong Go

r Bong

Aabot sa 20 prayoridad na panukalang batas ang agad na ikinasa ni Senador Bong Go para maihain sa Senado.

Ayon kay Go, ito ay para matiyak na maipagpapatuloy ang mabilis at reliable public service na sinimulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“Sa pagbubukas ng 19th Congress sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., patuloy ang ating adhikain na gawing mas mabilis, maayos at maaasahan ang serbisyo publiko para sa bawat Pilipino,” pahayag ni Go.

“Sa katunayan, nakapagsumite agad ako ng aking 20 prayoridad na panukalang batas, na batay sa naging karanasan at obserbasyon ko sa nakalipas na anim na taon na bahagi na ako ng national government bilang special assistant ni dating pangulong Rodrigo Duterte hanggang ihalal ninyo ako bilang senador, ay dapat na maisulong at maisabatas dahil kailangang-kailangan ang mga ito ng ating mga kababayan,” pahayag ni Go.

Kabilang sa mga panukala ni Go ang pagtatatag ng Department of Disaster Resilience; National Housing Development Production and Financing Program; pagpapatayo ng mga pabahay at social protection program para sa mga Filipinos.

Inihain na rin ni Go ang panukalang batas na magbibigay ng libreng taunang medical check-up at dialysis sa mga Filipinos; Advanced Nursing Education Bill; pagtatatag ng Emergency Medical Services System; Center for Disease Control and Prevention and the Virology Science and Technology Institute of the Philippines; pagbibigay ng kompensasyon sa mga Barangay Health Workers; at pagtatatag ng Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Centers nationwide.

“Bilang Chair ng Senate Committee on Health, kung inyong mapapansin, karamihan sa mga panukalang batas na isinumite ko ay may kinalaman sa pagpapalakas sa ating healthcare system. Nasaksihan ko nang pumutok ang pandemya kung paano nagsisiksikan ang mga pasyente sa ospital na hanggang sa mga pasilyo ay may ginagamot,” pahayag ni Go.

“Nahirapan din ang ating mga medical frontliners dahil kulang sa kagamitan. Kailangang mapalawak ang kaalaman ng ating mga nurses, at mapataas ang kanilang sahod. Importante ring magtayo tayo ng research institute para sa mga bagong sumusulpot na sakit para maagap din tayo sa pagkontina nito,” dagdag ni Go.

 

Read more...