Binuwag ni Pangulong Marcos Jr., ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) gayundin ang Office of the Cabinet Secretary.
Nakapaloob ito sa Executive Order No.1 na inilabas ng Malakanyang at sinabi ni Press Sec. Trixie Angeles, magkakaroon din ng reorganisasyon sa Office of the President at sa mga ahensiya na nasa ilalim nito.
Ayon kay Angeles nais ng Punong Ehekutibo na magkaroon ng ‘streamlining’ sa mga tanggapan at magamit ang pondo ng mga nabanggit na opisina sa mas mahahalagangg bagay ngayon nagpapatuloy ang pandemya.
Puna din ni Pangulong Marcos Jr., may mga ‘duplication and overlapping’ na mga posisyon kayat nararapat na buwagin ang PACC, maging ang Office of the Cabinet Secretary.
Nabatid na nilagdaan ang EO matapos lamang ang inagurasyon ni Pangulong Marcos Jr., noong Hunyo 30.
Ililipat ang trabaho ng PACC sa Office of the Deputy Executive Secretary for Legal Affairs at mga trabaho sa OCS ay gagawin na ng Presidential Management Staff.
Tiniyak na magpapatuloy ang mga kasong hawak ng PACC at ang mga naapektuhang kawani ay tatanggap ng mga benepisyo.
Samantala, ibinalik sa Office of the Press Secretary ang Presidential Communication Operations Office (PCOO), samantalang inalis na rin ang Office of the Presidential Spokesperson.
Nakapaloob ito sa Executive Order No. 2 na pirmado ni Executive Sec. Vic Rodriguez at may petsa din na Hunyo 30, 2022.
Noong kampaniya, sinabi na ni Pangulong Marcos Jr., na hindi siya magtatalaga ng tagapagsalita at siya mismo ang haharap sa mga mamamahayag.
Nilinaw na rin ni Angeles na hindi siya ang tagapagsalita ng Malakanyang.