Ayon sa Globe ang 9,063,698 bank related scam at spam messages ay kabilang sa 138 milyong kadudadudang text messages na naharang simula noong Enero hanggang nitong Hunyo 15.
Sa mga naharang na mensahe kasama ang request sa subscriber ng one-time PIN o OTP at iba pang hiling para mabuksan ang bank account.
Napigilan din ng Globe ang 1,119 vishing calls kung saan ang tumatawag ay nagpapanggap na kawani ng bangko at nanghihingi ng mga impormasyon.
Sinimulan ng Globe noong 2019 ang 24/7 group chat para sa mga malalaking commercial banks katuwang ang Mynt, ang operator ng GCash.
Kamakailan lamang ay lumagda ang Globe at Unionbank ng isang kasunduan para sa mas mabilis na mekanismong pag-alerto, pagpapalitan ng mga datos at pagsasala sa mga aktibidad na may kinalaman sa online fraud.
“Sa mga nakalipas na taon, mas pinatibay namin ang aming depensa laban sa cybersecurity threats, kabilang na ang direktang koordinasyon sa aming partners. Para sa amin, ang customers ng aming partner banks ay customers na rin namin, kaya patuloy naming pinalalakas ang aming mga mekanismo para harangan ang online scams,” ani Anton Bonifacio, ang Chief Security Information Officer ng Globe.