Isyu ng undervotes, gagamiting ground ng kampo ni Marcos para sa kanilang protesta

george garciaPinag-uusapan na ng kampo ni Sen. Bongbong Marcos ang pagha-hain ng election protest, ngayong nai-deklara nang panalo sa vice presidential race si Camarines Sur Rep. Leni Robredo sa pagtatapos ng canvassing ng Kongreso.

Sa isang ambush interview, sinabi ni Atty. George Garcia, abogado ni Marcos, sa ngayon ay pinag-aaralan na nila kung saang mga probinsya posibleng nagkaroon ng malawakang dayaan upang mai-sama sa kanilang protesta.

Giit ni Garcia, sana ay maintindihan sila ng kampo ni Robredo na hindi naman nila intensyong impluwensyahan ang canvassing o hindi maisama ang isang certificate of canvass sa tuwing idinadaing nila ang ‘undervotes’.

Obserbasyon aniya nila ang sinasabi nilang undervotes na nangyari at hindi naman siguro aniya masama kung itatanong nila kung saan napunta ang nawawalang 4 milyong boto para sa posisyon ng pangalawang pangulo.

Paliwanag ni Garcia, hindi katanggap-tanggap para sa kanila ang katwiran na ibinigay sa kanila na 4 milyong Pilipino ang hindi bumoto o nag-double shade sa balota para sa posisyong ito, at masyado aniya itong imposible.

Gagamitin aniya nilang strategy ang undervotes dahil mahalagang ma-emphasize na mayroon aniyang nawawalang boto sa bawat probinsyang nai-canvass.

Hindi rin naman aniya problema ang ebidensya dahil napakarami aniya nilang nakalap na ebidensya na magpapatunay na may dayaan.

“Kung sa pangongolekta lamang po ng ebidensya, napakarami po, hindi lang po namin nadala dito sa canvassing sapagkat bawal naman po ipakita sa board of canvassers dahil hindi po iyon ang kanilang katungkulan.

Bilang pagrespeto sa board of canvassers, hindi tamang body ito, hindi tamang venue ito, kaya hihintayin na lamang po ang proper venue,” ani Garcia.

Nagdesisyon lamang ang kampo ni Marcos na huwag dalhin at iharap sa National Boad of Canvassers (NBOC) ang mga ebidensyang hawak nila dahil hindi ito ang tamang lugar para ilapit ang isyu.

Inaasahan na maisasa-pinal ng kampo ni Marcos ang desisyon hinggil sa pagha-hain ng election protest bago matapos ang susunod na linggo.

Read more...