Muling ihahain sa pagbubukas ng 19th Congress ni Senator Risa Hontiveros ang panukala na ang layon ay magkaroon ng libreng dialysis ang mga senior citizens sa bansa.
Kabilang ang Free Dialysis for Senior Citizens Act sa mga panukala na unang inahain ni Hontiveros nang manilbihan siya bilang mambabatas sa Mataas na Kapulungan.
Nahirapan na umusad ang panukala bunga ng pandemya dulot ng COVID 19.
Layon ng panukala na mabigyan ng libreng dialysis ang mga senior citizens sa pamamagitan ng Philhealth.
“Ramdam pa rin natin ang epekto ng pandemya. Ngayon ay may mga panibagong pasanin pa ang ating ekonomiya dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina kaya kailangan nating patuloy na alalayan sila,” sabi pa nito.
Nangangailangan aniya ang bawat pasyente ng 156 dialysis sessions sa isang taon at kung walang subsidiya ng Philhealth, P12,000 kada linggo ang ginagastos ng isang chronic kidney disease (CKD) patient.