Pagbabawas sa kapasidad sa PUVs itinuro sa mga eksperto

PDI FILE PHOTO

Ipinasa ng Inter-Agency Council for Traffic (IACT) sa mga eksperto ang pagdedesisyon kung kailangan na bawasan ang bilang ng mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan bunga ng dumadaming COVID 19 cases.

 

Sinabi ni IACT Dir. Charlie del Rosario hindi naman maaring basta-basta na lamang magdedesisyon hanggang walang pahayag ang mga eksperto at aniya sumusunod lamang sila sa itinatakda ng mga kinauukulang ahensiya.

 

Sa ngayon, dagdag pa ni del Rosario, pinapayagan ang full seating capacity sa mga pampublikong sasakyan.

 

Ipinagbabawal aniya ang mga nakatayong pasahero, pagkain sa loob ng sasakyan at dapat ay nakasuot ang mask sa lahat ng oras.

 

Una nang hinimok ng OCTA Research ang gobyerno na pag-aralan ang pinapayagang kapasidad sa mga pampublkong sasakyan at establismento.

 

Sa mga establismento sa mga lugar na nasa Alert Level 1, pinapayagan ang ‘full capacity’ basta ‘fully vaccinated’ ang mga kustomer.

 

Maraming lugar, kabilang ang Metro Manila, ay patuloy na nasa Alert Level 1 hanggang sa katapusan ng buwan.

Read more...