Inanunsiyo ng Department of Health (DOH) ang pagkakadiskubre ng iba pang tinamaan ng Omicron subvariants sa bansa.
Ayon kay Dr. Ma. Rosario Vergeire, ang tagapagsalita ng DOH, anim pang Filipino ang tinamaan ng BA.5, samantalang 10 naman ang nag-positibo sa BA.2.12.1 base sa pinakahuling genome sequencing na inilabas noong nakaraang Lunes.
Sa anim na BA.5 cases, dalawa ang naitala sa Metro Manila; tig-isa sa Cagayan Valley, Western Visayas at Northern Mindanao, samantalang hindi pa tukoy ang tirahan ng pang-anim na pasyente.
Lima din sa kanila, ayon pa kay Vergeire, ang gumaling na at ang isa naman ay nagpapagaling sa bahay.
Bukod dito, apat sa kanila ang ‘fully vaccinated’ samantalang inaalam pa ang ‘vaccination status’ ng dalawang iba pa.