Umaasa ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na magbabago pa ang isip ni incoming President Rodrigo Duterte at sa bandang huli ay dadalo sa proklamasyon sa kanya bilang bagong Pangulo ng bansa.
Ito’y kasunod ng pahayag ni Duterte na hindi siya dadalo sa proklamasyon sa Kongreso at ang tanging pupuntahan ay ang kanyang oath taking.
Walang binanggit na rason si Duterte kung bakit hindi siya dadalo sa proklamasyon ng Kongreso na umuupo ngayon bilang National Board of Canvassers.
Ayon kay House Majority Leader Neptali Gonzales II, tradisyon na ang pagtataas sa kamay ng mga lider ng Senado at Kamara sa mga nanalo sa eleksiyon partikular na ang Presidente at Bise Presidente.
Ani Gonzales, maganda rin namang makita ng publiko lalo na ng supporters ni Duterte na nakataas ang kamay ng kanilang ibinoto na simbolo ng kanilang panalo.
Dagdag ni Gonzales, nag-aabang din sa proklamasyon ni Duterte ang media at photographers na mai-banner sa kanilang mga pahayagan o entity ang larawan ng nanalong mga lider ng bansa.