Pinagbilinan ni Senator Christopher Go ang mamamayan na magdagdag ingat at istriktong sumunod sa health and safety protocols.
Ginawa ito ng senador kasunod ng anunsiyo ng Department of Health (DOH) na may bahagyang pagtaas ng kaso ng COVID 19 sa Metro Manila.
“Huwag tayong makumpiyansa. Huwag nating sayangin ang magandang takbo ng ating pandemic response at vaccine rollout,” hirit ni Go at dagdag pa niya; “ Mas palakasin pa natin ang pagbabakuna lalo na ng booster shots para hindi na tumaas muli ang kaso ng nagkakasakit.”
Ayon sa namumuno sa Senate Committee on Health bagamat nananatili ang Metro Manila na ‘low risk,’ 14 sa 17 lungsod at bayan ang nakapagtala ng pagtaas ng mga kaso.
Nabatid na ang positivity rate sa Kalakhang Maynila ay tumaas sa 1.6 porsiyento.
Kayat muling nanawagan si Go sa mga pambansa at lokal na opisyal na paigtingin pa lalo ang pagpapabakuna, lalo na ang distribusyon ng booster doses.
Diin pa ng senador dapat ay manatili ang disiplina kasabay nang paghahnda sa ‘new normal.’