Malaking tulong sa mga magsasaka ng niyog ang pagpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP).
Sinabi ni Sen. Cynthia Villar, ang may-akda ng panukala para sa Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act, na pagtupad ito sa pangako ni Pangulong Duterte na ibalik sa mga magsasaka ang coco levy fund.
Paliwanag ng namumuno sa Senate Committee on Agriculture, magbibigay-daan ito sa pagpapalago ng industriya ng niyog sa bansa para sa benepisyo ng 3.5 milyong magtatanim ng niyog sa pamamagitan ng P75 bilyong trust fund.
Aniya, ang plano ay ihahanda ng Philippine Coconut Authority (PCA).
“We thank President Rodrigo Roa Duterte for his legacy that he will leve to the Philippines’ coconut industry and the Filipino farmers and farm workers,” ani Villar.
Nabanggit ng senadora na ang Pilipinas ang pangalawa sa buong mundo na napagkukuhanan ng niyog kasunod sa Indonesia.
Hanggang noong Disyembre 31, 2020, sa pagtataya ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) ang kabuuang coco levy cash assets ay P112.88 bilyon.