Partylist solon inihirit ang pagbabago sa ‘indigency qualifications’

PHILIPPINE DAILY INQUIRER PHOTO

Sinabi ni reelected Senior Citizens Partylist Representative Rodolfo ‘Ompong’ Ordanes na dahil nararamdaman pa rin ang epekto ng pandemya at mataas na halaga ng mga pangunahing bilihin, maraming Filipino ang nangangailangan ng tulong mula sa gobyerno.

Paliwanag ni Ordanes kung mapapagtuunan lamang ng pansin at babaguhin ang mga sukatan at panuntunan, mapapatunayan na mas maraming Filipino na ang mas nangangailangan ng ‘charity services.’

Ito aniya ang apila niya Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Health (DOH), maging sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Diin ng mambabatas ang dapat na bagong ‘indigency qualification’ ngayon ay ang minimum wage rates o ang non-taxable income rate.

“Sa taas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, napakababa na ng halaga kahit ng minimum wage rate,” diin pa ng namumuno sa Houus Special Committee on Senior Citizens.

Dagdag pa ni Ordanes, hindi na sapat ang minimum wage na makapagpa-aral ng mga bata, para sa pasahe sa araw-araw na pagpasok sa trabaho at para sa pangangailangan ng pamilya na may sakit, senior citizen, may kapansanan at may ‘special needs.’

Naniniwala ito na hindi na kailangan pa ng mga bagong batas para maamyendahan ang umiiral na ‘indigency standards and qualifications.’

“Hindi lamang dadami ang matutulungan kundi mas magiging mabilis pa ang pagtugon at ang kailangan lamang ay pagbabagong administratibo sa mga polisiya ng mga kinauukulang ahensiya,” dagdag pa ni Ordanes.

Read more...