Sen. Grace Poe hinahanap ang listahan ng mga nabigyan ng fuel subsidy

Kasunod ng muling pagtaas ng presyo ng mga produktong-petrolyo, hiningi ni Senator Grace Poe sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang listahan ng mga nabigyan ng fuel subsidy,

Aniya sa huling datos, halos 250,000 sa 264,000 benipesaryo ng Pantawid Pasada program ang nakatanggap na ng ayuda mula sa LTFRB.

Puna naman ng senadora, ang DILG ay wala pang naisusumiteng listahan ng mga nabigyan na tricycle drivers at operators.

Diin pa ni Poe nagsimula na ang unang kalahati ng taon ngunit marami pa rin sa mga benepisaryo ang hindi nakakatanggap ng tulong.

“We fought for a critical P2.5-billion fuel subsidy provision for PUV’s in this year’s budget. Mariin nating isinulomng na makapaglaan ng pondong maaring magamit ng ating mga tsuper at PUV operator sa panahon ng krisis tulad ng kinahaharap nila ngayon,” banggit pa ni Poe.

Binanggit pa nito ang balakin ng public transport groups na magkasa ng malawakang transport strike bunga ng patuloy na pagtaas na halaga ng mga produktong-petrolyo.

Kasabay nito, inulit ni Poe ang panawagan sa gobyerno na suspindihin muna ang fuel excise taxes  hanggang sa magbalik sa normal ang sitwasyon.

“Gobyerno lamang ang maaring sandalan ng ating mga tsuper sa pagharap nila sa krisis na ito,” dagdag pa ni Poe.

Read more...