DILG, nagpaalala sa mga bagong halal na opisyal na maghain ng SOCE bago ang Hunyo 8

PCOO photo

Hindi maaring manumpa ang mga bagong hala na opisyal hangga’t hindi nakakapaghain ng kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE), ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Nagpaalala si DILG Secretary Eduardo Año sa mga opisyal na maghain ng SOCE bago o sa Hunyo 8, 2022.

“It’s plain and simple: No SOCE, no oath taking for NEOs,” saad ng kalihim.

Kabilang sa SOCE ang cash at in-kind contributions na natanggap ng mga kandidato mula sa political party at iba pang sources.

Kasama rin sa SOCE ang mga personal na nagasta.

Ayon kay Año, alinsunod sa Republic Act (RA) No. 7166 o “Synchronized National and Local Elections and Electoral Reforms Act,” walang opisyal na maaring payagang masimulan ang termino nang hindi naghahain ng SOCE sa Comelec.

“Sana po ay simulan ninyo ng tama ang inyong mga termino. Comply with your legal obligation as enshrined in our Constitution,” ani Año.

Paalala pa nito na sa kasagsagan ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC), nangako ang mga opisyal na maghahain ng SOCE sa Comelec sa loob ng 30 araw matapos ang araw ng eleksyon.

“It was there on their COCs that they filed during the start of their bid to run for public office. So we implore our NEOs to walk the talk and comply with the law and their commitment to the Comelec,” pahayag nito.

Sinabi ng kalihim na sa Hunyo 16, 2022 inaasahang magsusumite ang Comelec ng naturang sertipikasyon sa DILG.

Samantala, paalala pa ni DILG Undersecretary and Spokesperson Jonathan Malaya na kailangan ding magsumite ng SOCE ng mga hindi nanalong kandidato at kanilang political parties.

“There is a misconception that a SOCE is filed only by NEOs but we are stating that according to the law, even non-winners and political parties are required to submit the said statement. Ito po at para sa lahat nang nag-file ng COC nila,” ani Malaya.

Maaring mai-download ang SOCE forms sa website ng Comelec.

Read more...