Umiiral pa rin ang ridge of high pressure area sa Silangang bahagi ng Luzon.
Ayon kay PAGASA Weather Specialist Ana Clauren-Jorda, ibig-sabihin nito, maaliwalas na panahon ang mararanasan sa mga naaapektuhan nitong lugar.
Samantala, mayroon aniyang namataang cloud cluster sa Silangang bahagi ng Mindanao.
Ngunit, ani Clauren-Jorda, hindi umaabot ang kaulapan sa anumang parte ng bansa.
Sa ngayon, hindi pa ito itinuturing na isang low pressure area.
Gayunman, tiniyak ni Clauren-Jorda na patuloy itong tututukan ng weather bureau dahil sa posibilidad na magdala ito ng pag-ulan sa Silangang bahagi ng Mindanao.
Dagdag nito, maninipis na kaulapan lamang ang umiiral sa Metro Manila at nalalabing parte ng bansa kung kaya’t asahan ang maaliwalas na panahon.
Kung makaranas ng pag-ulan, magiging mabilis lamang aniya ito dala ng localized thunderstorms.
Sa susunod na tatlo hanggang limang araw, walang nakikitang sama ng panahon o bagyo na maaring mabuo o pumasok sa teritoryo ng bansa.