Nakipag-pulong na si presumptive President Rodrigo Duterte sa ilang mga kinatawan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa Davao City.
Ang nakausap ni Duterte ay sina NDFP peace panel spokesperson Fidel Agcaoili at kanilang consultant na si Vicente Ladlad.
Isa sa mga pangunahing napag-usapan sa pulong ay ang isinumite ng NDFP na listahan ng kanilang mga nominadong tao para sa mga posisyon sa gobyerno na inilaan sa kanila ni Duterte, pati na ang muling pagbuhay sa peace talks.
Magugunitang inanunsyo ni Duterte na ilalaan niya ang Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Agrarian Reform (DAR), at ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa grupo.
Tumanggi naman si Agcaoili na magbigay ng detalye sa listahan na kanilang isinumite, at ipinaubaya na ito kay Duterte oras na makapili na siya.
Ayon naman kay Duterte, isusumite niya pa ito sa kaniyang screening committee, at inaasahang ilalabas na niya ang pinal na listahan ng kaniyang gabinete sa kaniyang panunumpa sa June 30.
Nagpa-hapyaw naman sina Duterte at ang NDFP na kabilang sa mga nasa listahan ay mga mula sa academe, dating mambabatas, mga progressive leaders, at iyong mga nakatrabaho ang mga manggagawa at magsasaka.
Dagdag pa ni Duterte, wala siyang pakialam sa relihiyon, paniniwala o katayuan sa buhay ng mga ipapasok na opisyal o miyembro ng kaniyang Gabinete, dahil ang hinahanap lang niya ay iyong mga tapat at competent.
Nangako rin noon si Duterte na palalayain ang daan-daang mga political prisoners kabilang na ang ilang consultants ng NDFP.