Hinimok ni Ateneo de Davao President Fr. Joel Tabora S.J. ang simbahang Katoliko na maging mapagkumbaba sa pakikipagtalastasan kay presumptive President Rodrigo Duterte.
Ito ang payo ni Tabora sa Simbahan lalo’t nasasangkot ito ngayon sa sagutan kay Duterte na patuloy silang binabatikos.
Ayon kay Tabora, posibleng pawang mga kahinaan at pagkakasala ng Simbahan ang mga ibinabato ni Duterte para huwag itong maging masyadong mapanghusga sa tuwing may mga pahayag ito ng pag-kondena.
Dagdag pa ni Tabora, dapat pakinggan ng Simbahan ang maraming Katolikong pumiling iboto si Duterte as kabila ng mga naunang panawagan ng mga obispo na huwag siya ang iboto.
Aniya pa, ang patuloy na pagbatikos ni Duterte sa Simbahan ay posibleng hudyat na para sa mga Katoliko na magmuni-muni at pag-isipang maigi ang kanilang mga binibitiwang salita at mga ginagawa.
Una nang binatikos ni Duterte ang simbahan at inakusahan ito ng katiwalian at pang-aabuso.
Sa kabila nito, umaasa pa rin si Tabora na magkaka-ayos rin ang dalawang panig, lalo kung pakikinggan lamang ng Simbahan ang sinasabi ng mga tao.