Nadagdagan ang bilang ng mga pamilyang Filipino na nakararanas ng pagkagutom, base sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Lumabas sa survey na 12.2 porsyento ng pamilyang Filipino o mahigit 3.1 milyong indibiduwal ang nakararanas ng ‘involuntary hunger’ sa nakalipas na tatlong buwan.
Sa nasabing bilang, 9.3 porsyento ang lumabas na ‘moderate hunger’ habang 2.9 porsyento ang ‘severe hunger’.
Mas mataas ito ng 0.4 porsyento kumpara sa naitalang 11.8 porsyento noong Disyembre ng taong 2021.
Gayunman, mas mababa ito ng 0.9 porsyento sa 13.1 porsyentong annual average ng taong 2021.
Ayon pa sa resulta ng survey, pinakamaraming nakararanas ng pagkagutom sa Metro Manila na may 18.6 porsyento, sumunod ang Mindanao na may 13.1 porsyento, Balance Luzon na may 11.7 porsyento, at ang Visayas naman ay may 7.8 porsyento.
Samantala, lumabas din sa survey na 43 porsyento ng pamilyang Filipino ang itinuturing ang kanilang sarili bilang mahirap, 34 porsyento ang ‘borderline poor’, habang 23 porsyento ang nagsabing hindi sila mahirap.
Isinagawa ang survey sa 1,440 adults sa pamamagitan ng face-to-face interview sa buong bansa simula Abril 19 hanggang 27, 2022.