Isang taon lang ang inaasahang kakailanganin para maibalik na ang parusang bitay sa Pilipinas.
Ayon kay Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez na napipisil maging sunod na House Speaker, maaasahan ng mga tao ang agad na pagtupad sa mga ipinangako ni presumptive President Rodrigo Duterte noon sa kaniyang kampanya.
Una nang sinabi ni Duterte na isa sa kaniyang mga prayoridad ay ang panunumbalik ng death penalty sa bansa sa pamamagitan ng pag-bigti sa mga kriminal.
Ani pa Alvarez, ang pangunahing isusulong ni Duterte ay ang pagpapalit ng form of government mula sa unitary at gagawing parliamentary system, at ang pangalawa ay ang pagbalik ng bitay sa bansa.
Aminado naman si Alvarez na maraming tututol pero magkakaroon naman aniya ng diskusyon ang magkabilang panig at hahayaang manaig ang majority.
Dagdag pa ni Alvarez, gagawin nila ang lahat ng makakaya para maisakatuparan na ito isang taon matapos manumpa si Duterte bilang pangulo ng Pilipinas.
Sinabi pa ni Alvarez na dapat rin magkaroon ng mga aplikante para sa mga magiging taga-bitay sa Duterte administration, at inaasahang magiging busy agad ang mga ito oras na magsimula ang kanilang trabaho.