Phivolcs, nagpaalala sa lumayo sa 4-km permanent danger zone ng Mt. Bulusan

Photo credit: Sorsogon PIO

Nagpaalala ang Phivolcs sa publiko na lumayo sa tinatawag na Permanent Danger Zone ng Bulkang Bulusan.

Kasunod ito ng nangyaring phreatic eruption sa naturang bulkan noong Linggo ng umaga, Hunyo 5.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Phivolcs officer-in-charge Undersecretary Renato Solidum na kailangang lumayo ng mga komunidad sa apat na kilometrong PDZ.

“Kapag ang bulkan ay nagagalit o nagkakaroon ng pagsabog, ang pinakadepensa po natin para hindi tayo maapektuhan ay distansya,” ani Solidum.

Layon aniya ng pagpapatupad ng PDZ upang hindi maapektuhan ang mga residente, sakaling magkaroon ng biglaang pagsabog o aktibidad ang bulkan.

“Importante rin po na kahit mahina ang eruption, ang paglanghap ng abo na pino at sulfur dioxide gas ay nakakasagabal sa ating respiratory system at delikado po sa ating kalusugan,” saad pa nito.

Kung kakailanganing lumapit sa bulkan, dapat aniyang handa ang N95 mask.

Ibinabala pa nito sa mga residenteng nakatira malapit sa mga ilog at palibot ng mga bulkan na kapag mayroong pagbagsak ng abo at sumunod ang malakas na ulan, posibleng magkaroon ng lahar.

Read more...