Isinasailalim na sa confirmatory examination ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dahilan ng pagkasawi ng dalawa sa limang namatay sa concert sa Pasay noong Linggo ng madaling araw.
Ayon kay Dr. Wilfredo Tierra na Assistant Chief ng NBI’s Medico-Legal Division, mayroon na silang initial finding pero bago sila maglabas ng kanilang final report, kailangan nilang gumawa ng isa pang confirmatory examination.
Una nang nagsagawa ang NBI ng general toxicology test para malaman kung may lason bang nananalaytay sa katawan ng bitkima, dangerous drug test para malaman kung gumamit sila ng iligal na droga at alcohol test para malaman kung lango sila sa alak.
Nagsagawa na rin ng autopsy ang NBI sa dalawa sa limang biktima na sina Lance Garcia at Bianca Fontejon.
Una nang sinabi ng NBI Chemical Forensics Division na sina Garcia at Fontejon ay nakaranas ng napakataas na blood presure na nagdulot ng ruptures sa kanilang puso.
Mayroon na ring isinasagawang imbestigasyon kaugnay dito ang kanilang Anti-Illegal Drugs Division at Death Investigation Division.