15-anyos na dalagita, patay sa pananaksak sa Baguio

 

Duguan at patay na nang matagpuan ni Roger Wagayan ang kaniyang 15-anyos na kapatid na babae sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Pinsao Proper, Baguio City.

Hinihinala ni Roger na ang nasa likod ng pagkamatay ng kapatid niyang si Allery ay ang bagong pasok lang na katulong nila na dalawang araw pa lang naninilbihan sa kanila.

Ayon kay Roger, umuwi siya sa kanilang tahanan at akala niya nasa banyo ang kaniyang kapatid.

Ilang beses niya itong tinawag at nang puntahan niya, doon na niya nakita ang nakahandusay na bangkay ni Allery na tadtad ng saksak sa likod at leeg.

Nakita rin sa loob ng banyo ang kutsilyong ginamit sa pananaksak sa dalagita.

Ani Roger, ang katulong na si Marites Judan agad ang naisip niyang suspek dahil iyon lang ang naiwang kasama ng kapatid niya sa bahay.

Habang pauwi ay nakasalubong pa aniya niya si Judan at ang sabi nito ay pupunta lamang siya sa palengke.

Hinatid niya pa ang kasambahay hanggang sa ito ay makasakay ng jeep.

Ipinagtaka pa ni Roger kung bakit may dalang malaking bag na kulay asul ang kasambahay.

Iniimbestigahan na ng mga pulis ang mga pangyayari at nakipagugnayan na rin sa pulisya sa Burgos, La Union kung saan nakatira si Judan.

Read more...