Mga child rapist sa Indonesia, kakapunin

 

Batas na sa bansang Indonesia ang ‘pagkapon’ o castration sa mga mapapatunayang guilty sa kasong child rape.

Ito ang naging tugon ng bansang Indonesia sa dalawang insidente ng panggagahasa at pagpatay sa dalawang teenager na biktima nitong nakalipas na buwan lamang.

Dahil sa dalawang insidente ng krimen, nilagdaan ni Indonesian President Joko Widodo ang ‘emergency decree’ na nagpapataw ng parusang ‘chemical castration’ sa mga child sex offenders.

Sa ilalim rin ng naturang batas, maaring magpataw ng life sentence o di kaya ay kamatayan ang mga huwes sa mga pamamatunayang ‘guilty’ ng child rape.

Magiging sampung taon din ang pinakamababang hatol ng pagkakakulong sa mga gagawa ng naturang krimen.

Lalagyan din ng microchip ang mga ito upang palagiang matukoy ang kinaroroonan ng mga ito.

Umaasa ang gobyerno ng Indonesia na sa pamamagitan ng bagong batas, matitigil na ang mga insidente ng child rape sa bansa.

Nitong nakaraang buwan lamang, ginulantang ng dalawang insidente ng rape with murder ang Indonesia.

Sa unang kaso, isang 14-anyos na junior high school student ang biktima ng ‘gang-rape’ ng 14 na kalalakihan bago tuluyang pinatay.

Sa ikalawang insidente, isang 10-taong gulang naman ang ginahasa ang pinatay sa East Lampung, Indonesia.

Read more...