Lumobo pa ang utang bansa sa katapusan ng Abril.
Ayon sa Bureau of Treasury, nasa P12.76 trilyon na ang kabuuang pagkakautang ng pambansang gobyerno.
Paliwanag ng Treasury, nadagdagan pa kasi ng P83.40 bilyon ang utang ng bansa noong Abril.
70 porsyento ng pagkakautang ng pambansang gobyerno ay mula sa mga lokal na institusyon habang 30 porsyento naman ay mula sa mga dayuhang bansa o institusyon.
Sa datos ng Bureau of Treasury, ang utang ng national government na galing sa mga lokal na institusyon ay nasa P8.93 trilyon.
Mas malaki ito ng P67.20 bilyon kumpara sa utang noong pagtatapos ng Marso o P765.44 bilyong mas malaki kumpara sa utang noong katapusan ng 2021.
Habang ang external debt o utang sa labas ng bansa ng Pambansang Gobyerno ay umabot sa P3.83 trilyon o mas mataas ng P16.20 bilyon kumpara noong katapusan ng Marso.
Ito na ang pinakamalaking pagkakautang ng pambansang gobyerno sa kasaysayan na ang isa sa mga sanhi ay ang paghahanap ng pondong pantugon sa COVID-19 pandemic.