Ibinahagi ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang dahilan ng hindi niya pagpirma sa committee report ng Blue Ribbon Committee kaugnay sa mga isinagawang pagdinig ukol sa isyu sa Pharmally.
Ayon kay Zubiri, kabilang sa naging rekomendasyon ni Sen. Richard Gordon ay makasama si Pangulong Rodrigo Duterte sa masasampahan ng kasong plunder o pandarambong.
Ngunit paliwanag ni Zubiri at sa kanyang palagay, hindi dapat makaladkad si Pangulong Duterte dahil lamang kakilala niya ang ilan sa mga isinasangkot sa iskandalo.
Pagdidiin nito, kung wala ang pangalan ni Pangulong Duterte at malilimitahan sa mga opisyal ng Pharmally gayundin sa mga naging opisyal sa Procurement Service – Department of Budget and Management ang mga inirekomendang kasuhan, pipirma siya sa naturang committee report.
Nabanggit din nito na sa kanyang palagay, maging si Health Sec. Francisco Duque III ay hindi dapat isinama sa inirekomendang kasuhan.
Aniya, sa kanyang pagkakaalam, marami sa mga kapwa niya senador ay katulad ang pangangatuwiran sa hindi pagpirma sa report.
Narito ang pahayag ni Zubiri:
WATCH: Ipinaliwanag ni Sen. @migzzubiri na hindi dapat masama si Pangulong Duterte sa mga kakasuhan ng plunder dahil lamang kakilala niya ang ilan sa mga sangkot na opisyal ng Pharmally | @escosio_jan
🎥: Jan Escosio/Radyo Inquirer On-Line pic.twitter.com/qJHbhAui95
— RadyoInquirerOn-Line (@radyoinqonline) June 1, 2022
Kinumpirma naman ito ni Sen. Sherwin Gatchalian na miyembro ng nabanggit na komite na pipirma din siya sa report kung nangyari ang nais ni Zubiri.