Pinangalanan na ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang mga mamumuno sa iba’t ibang komite sa Senado kapag siya ang mapipiling pinuno ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso sa pagpasok ng 19th Congress.
Aniya, si Senator-elect Loren Legarda ang magiging Senate President Pro Tempore, Majority leader naman ang magiging bagong papel ni Sen. Joel Villanueva, samantalang nabanggit niya si Sen. Koko Pimentel bilang posibleng maging Minority leader.
Ibinahagi ito ni Zubiri sa mga mamamahayag, kasama sina Senators Sherwin Gatchalian at Nancy Binay.
Si Gatchalian ang bagong mamumuno sa Ways and Means, bagamat pamumunuan niya pa rin ang Committee on Basic Education, samantalang si Binay ang hahawak sa Accounts Committee at Tourism Committee.
Ang napakahalagang Blue Ribbon Committee ay inalok na kay Sen. Francis Tolentino.
Ilan sa mga nagbabalik at baguhang senador ay magkakaroon din ng kanya-kanyang komite na pamumunuan:
– Sen. Robin Padilla – Committee on Constitutional Amendments at Social Justice
– Sen. Raffy Tulfo – Committee on Labor (OFW) at Committee on Energy
– Sen. Chiz Escudero – Committee on Justice
– Sen. JV Ejercito – Committee on Local Government at Higher Education
– Sen. Jinggoy Estrada – Committee on Labor at Public Order
Samantala, marami naman sa mga nakaupong senador ay mananatili sa kanila ang mga kasalukuyang komite tulad nina Senators Cynthia Villar (Agriculture, Environment at Agrarian Reform); Risa Hontiveros (Women); Sonny Angara (Finance); Grace Poe (Banks, Public Services); Manuel Lapid (Games); Christopher Go (Health).
Si Sen. Imee Marcos naman ang mamumuno sa Committee on Foreign Relations at ang Committee on National Defense naman ay hahawakan ni Sen. Ronald dela Rosa.
Ayon kay Zubiri, posibleng dalawang komite ang hawakan ng bawat senador bagamat maraming komite ang wala pang napipiling mamumuno.