Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni DILG Undersecretary at spokesperson Jonathan Malaya na katuwang dito ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Philippine National Police (PNP), at iba pang mga ahensya ng gobyerno kasama ang Department of Information and Communications (DICT).
Kabilang aniya rito ang mga sikat na website tulad ng talpakan.ph. Ito aniya ang mga lumabas na website matapos ilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang direktiba ukol sa paghihinto ng naturang aktibidad.
“Gusto ko lang pong klaruhin ay ‘yun pong mga dating may prangkisa ng PAGCOR, sila po ay kusang nagsara na agad-agad noong ang Pangulong Duterte ay nagdesisyon na ipatigil ang operasyon nila sa ating bansa,” pahayag ni Malaya.
Base sa report ng PNP, mayroon pang natukoy na 12 pang illegal e-sabong websites at walong e-sabong Facebook pages.
Dahil dito, nakipag-ugnayan na rin aniya ang kagawaran sa DICT, kasama ang National Telecommunications Commission (NTC), upang tuluyan nang maipasara ang mga nabanggit na website.
Patuloy naman ang hiling ng DILG sa Facebook na alisin ang mga ilegal na e-sabong accounts at pages.
Nakalulungkot aniya dahil noong nakaraang linggo pa nagpadala ng liham ang DILG sa Facebook, ngunit wala pa ring sagot mula sa naturang social media platform.
“Unfortunately hanggang sa ngayon sa araw na ito, hindi pa rin po natatanggal. Una, wala pa po kaming natatanggap na tugon mula sa Facebook tungkol sa request ng ating pamahalaan na tanggalin ang pages na ito. Pangalawa, operating pa rin po,” ani Malaya.
Nakababala aniya dahil kailangang tumugon ng Facebook sa hiling ng kagawaran alinsunod sa mga ipinatutupad na batas sa Pilipinas.
Dagdag nito, “We are disappointed dahil kung sila ay mag-shutdown ng ibang pages mabilis. But in this case, its as if they are tolerating illegal activity in the Philippines. Para pong lumalabas na sila ay accessory to an illegal activity because Facebook is a venue for illegal activity.”