Batas sa sabong, inirekomendang amyendahan

Photo credit: Sen. Ronald “Bato” dela Rosa/Facebook

Isa sa mga naging rekomendasyon ng Senate Committee on Public Order matapos ang mga pagdinig ukol sa pagkawala ng ilang sabungerom ay ang pag-amyenda sa batas na gumagabay sa sabong.

Inilatag ni Sen. Ronald dela Rosa ang report ng pinamumunuan niyang komite at isa sa mga naging rekomendasyon ay ang posibleng pag-amyenda sa Cockfighting Law of 1974.

Sinabi pa ni dela Rosa na maaring suriin ng kinauukulang komite ng Senado ang PD 1869 upang mas maging malinaw kung ano ang mga sugal na ilegal at legal alinsunod na rin sa Republic Act 9487.

Kailangan din aniyang matiyak ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na hindi makakapagsugal ang mga menor de edad o kahit makalapit sa mga sugalan.

Hiniling din na agad suspindehin ng mga lokal na pamahalaan ang permit ng mga sabungan kapag napatunayan na hindi nakakasunod sa mga ordinansa.

Dapat din aniyang singilin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga utang sa buwis ng e-sabong operators.

Dapat din aniyang maging bahagi sa pagtuturo ng Good Moral and Right Conduct (GMRC) sa mga paaralan ang mga masasamang epekto ng pagsusugal.

Read more...