Hindi dapat na balewalain ang balita ng pagkalat ng fake rice ayon kay Senator Cynthia Villar. Pangungunahan ni Villar bilang chairperson ng Senate Committee on Agriculture ang pagdinig sa pagkakadiskubre ng “fake rice” sa Davao.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, masama ito sa kalusugan at kailangang maging masigasig sa kampanya ang Department of Agriculture at ang National Food Authority. “Dapat maging malinaw ang information campaign nila tungkol dito lalo na tungkol sa epekto sa kalusugan. Hindi nga tayo kumakain ng plastic, bakit tayo kakain ng plastic sa bigas?”
Nauna ng nagpahayag ang NFA na isolated case lamang ang “fake rice” at ito ay sa Davao City lamang.
Bubusisiin din ni Villar ang polisiya ng importation ng bigas dahil sa balitang maaaring ang mga bigas na kontaminado ng mga kemikal na ginagamit sa paggawa ng plastic ay galing sa ibang bansa. “Aalamin namin ito at aalamin din natin sa mga kinatawan ng Department of Science and Techonology (DOST) kung may kakayanan dito sa bansa na mag-manufacture ng fake rice,” ayon kay Villar./Gina Salcedo