‘WAG KANG PIKON ni Jake Maderazo

jake 2Ilang beses na bang nangyari na umalis ng bahay kahit umuulan ang mga kawawang estudyante at pagkatapos ay uuwi lamang dahil suspindido na pala ang mga klase? Paulit-ulit na lamang.

Nitong Martes ng July 8 , pareho na naman ang sitwasyon. Walang storm signal sa 5AM weather bulletin ng PAGASA, malayo ang bagyo kayat walang otomatikong suspension. Pero, nagbabala sila sa southwest monsoon o hanging habagat na magdadala ng “light to moderate rains and thunderstorms” sa Metro Manila.

Dahil naging maulan at binaha ang maraming lugar, unang nag-suspindi ng mga klase sina Pateros mayor Joey Medina, at Malabon mayor Antolin Oreta III bago pa man mag-alas singko ng madaling araw. Iyong ibang Mayor sa Metro Manila, natulog sa pansitan. Nakapasok na ang mga bata saka lamang nag-anunsyo ng suspension.

Sa ilalim ng Executive Order 66, ang suspensyon ng mga klaseng pang-umaga ay dapat i-hayag ng Mayor bago mag-alas 4:30 ng madaling araw. Ito’y para bigyang babala ang mga magulang na huwag nang papasukin sa klase ang kanilang mga anak. Para naman sa pang-hapong klase, ang announcement ng mga Mayor ay hindi dapat lalampas ng alas 11:00 ng umaga.

Pero, ano po ang ginawa ng mga mayors natin? Halos alas siyete ng umaga na at saka nag-anunsyo na wala nang klaseng pang-umaga kasama na ang pang-hapon. Iyong mga batang naroon na sa eskwela ay nabasa sa ulan at ang iba naman ay nag-iiyakan dahil sa walang sundo. Iyong ibang mayor, makakapal din ang mukha, pinangatawanan ang atrasado nilang anunsyo at sa halip ay sinuspindi na lang ang mga klase sa pang-hapon. Nag-unahan pa bago ang 11am deadline.

Pati Malakanyang, sablay din dahil bandang hapon na rin ng mag-anunsyo na walang pasok ang buong Metro Manila pati ang mga government offices.

Sa totoo lang, itong suspensyon ng mga klase ay sukatan ng mga botante sa nalalapit na halalan partikular sa kapabilidad ng alkalde . Ang dapat mangyari , nakatutok ang mga local disaster officials upang bantayan ang mga developments ng bagyo o habagat at gisingin si Mayor sa maagang desisyon.

Simple lang naman ang hinihingi ng taumbayan, maagang anunsyo para di maulanan at mabaha ang mga kanilang batang estudyante. Sa umaga, dapat bago mag-4:30 am at sa pang-hapong klase 11:00 am at ito’y nakabatay sa isang batas na pinirmihan ni Pnoy. Kung hindi ito magagawa ng mga mayors at hindi naman madisiplina ng DILG at ng Malakanyang, mabuti pang ibasura o itapon na lamang sa baha itong Execuive Order 66 .

Wala rin naman itong silbi sa taumbayan lalo nat hindi naman sinusunod ng mga Mayor sa Metro Manila. At ang masakit, ni hindi man lamang pinagsabihan o nagbabala ang Malakanyang tungkol dito.

Read more...