Criminal law and proceedings ang ituturo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang police academy sa Davao City.
Sa talumpati ng Pangulo sa courtesy call ng mga atletang Filipino sa Malakanyang, Martes ng gabi (Mayo 31), sinabi nito na gagawin niya ang pagtuturo oras na matapos ang kanyang termino sa June 30.
Sinabi pa ng Pangulo na bago pa man siya naupo bilang pinakamataas na opisyal ng bansa, naging part-time professor siya sa Davao City.
“Kaya sabi ko, magturo ako uli. Alam mo saan ako magturo? Balik ako sa… nagpart-time professor ako ng police academy sa amin sa Davao. I was teaching criminal law, criminal evidence, and criminal proceedings,” pahayag ng Pangulo.
Una nang sinabi ng Malakanyang na nais din ng Pangulo na magkaroon ng sapat na oras sa kanyang pamilya at aalagaan ang mga apo.