Isa pang testigo vs Sen. Leila de Lima kumambiyo sa testimoniya

(Courtesy: Sen. de Lima’s office)

Nag-iba ang testimoniya ng isa pang testigo ng prosekusyon sa drug case ni Senator Leila de Lima.

Sa cross-examination kay Joel Capones, sinabi nito na wala siyang naging transaksyon ukol sa droga sa pambansang piitang kay de Lima kundi sa yumaong Jaybee Sebastian.

Ito ang ibinahagi ni Filibon Tacardon, isa sa mga abogado ni de Lima, at sinabi din ni Capones na hindi niya kilala ang senadora.

Sa naunang direct examination kay Capones, sinabi nito na nakita niya si Sebastian na nag-abot ng P1.5 milyon kay de Lima.

Ngunit sa kanyang pagsalang muli bilang testigo sa pagdinig kahapon, sinabi niya na wala siyang nalalaman ukol sa pera.

Ayon pa kay Tacardon, hindi na mauusisa ito dahil namatay si Sebastian noong Hulyo 2020 dahil sa COVID 19.

Dagdag pa ng abogado, hindi na rin inusisa ng panig ng prosekusyon ang sarili nilang testigo ukol sa pagbabago ng testimoniya nito.

Read more...