Naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Customs Port of NAIA ang lalaking consignee ng isang shipment na naglalaman ng P7,425,600 halaga ng shabu sa Bulacan araw ng Miyerkules, Mayo 25.
Katuwang ng ahensya sa joint controlled delivery operations sa Malolos ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), bilang bahagi ng NAIA Drug Interdiction Task Group (NAIA-DITG).
Base sa record, idineklara ang shipment na naglalaman ng water purifier galing Laos.
Ngunit, nadiskubre sa physical examination ang 1,092 gramo ng white crystalline substance.
Nakumpirma sa laboratory test na methamphetamine o shabu ang nakita sa kargamento.
Sa ngayon, nakakulong ang lalaking claimant at sumasailalim sa custodial investigation ng PDEA para sa inquest proceedings sa paglabag sa Republic Act 9165 o Anti-illegal Drugs Act at Republic Act 10863 o Customs Modernization Act (CMTA).