Susan Roces, nailibing na sa Manila North Cemetery

Kuha ni Richard Garcia/Radyo Inquirer On-Line

Naihatid na sa kaniyang huling hantungan ang tinaguriang ‘Queen of Philippine Movies’ na si Susan Roces, o Jesusa Purificacion Levy Sonora-Poe sa totoong buhay.

Inilibing ang beteranang aktres sa tabi ng puntod ng kaniyang asawa na si Fernando ‘Da King’ Poe, Jr. sa Manila North Cemetery bandang 11:30, Huwebes ng umaga (Mayo 26).

Kuha ni Chona Yu/Radyo Inquirer On-Line

Bago ang paglibing, nagkaroon ng funeral mass para sa aktres sa Heritage Memorial Park sa Taguig City.

Hindi naman na nagpaunlak ng panayam ang anak ng aktres na si Senador Grace Poe.

Nakipaglibing din si incoming Senator JV Ejercito sa kanyang Ninang Susan.

Bumuhos ang mga tagasuporta ni Roces upang iparating ang pakikiramay at pakikidalamhati sa naiwang pamilya ng aktres.

Ayon sa Manila Police District (MPD), nasa 800 katao ang nakipaglibing.

Ilan sa mga pinagbidahang pelikula ni Roces ang “Mga Bituin ng Kinabukasan” noong 1952, at “Patayin Mo sa Sindak si Barbara” noong 1974.

Kilala rin ang aktres bilang ‘Lola Kap o ‘Lola Flora’ sa Filipino action series na “Ang Probinsyano.”

Read more...