Nakatakda nang bumalik sa bansa Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria “Joma” Sison sa buwan ng Hulyo.
Ayon kay Sison, itataon niya ang pagbalik sa Pilipinas sa pagpapalaya ni incoming President Rodrigo Duterte sa mga political prisoner.
Sa online interview kay Sison mula sa Utrecht, sa the Netherlands, sinabi rin nito na sa susunod na buwan ay makikipagpulong siya sa mga negotiators ng Duterte administration at gagawin ang pagpupulong sa Oslo Norway.
“I will probably go to Manila in July to celebrate the release of the political prisoners and the approval by the principals of the formal agreement or declaration earlier forged by the negotiating panels to resume the peace negotiations,” ani Sison.
Dagdag pa ni SIson, pag-uusapan na din ng mga kinatawan ng Duterte administration at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang pagsasapinal ng muling pagsasagawa ng formal talks.
Noong nakaraang linggo ay nakipagkita na kay Duterte si NDFP representative Fidel Agcaoili at tinalakay ang pangunahing mga hakbang sa muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan.
Ani Sison, ang paninindigan ni Duterte na palalayain ang mga political prisoner ay itinuturing nilang “act of goodwill” at makatutulong ito sa negosasyon.