BI, nagkaroon ng balasahan sa mga tauhan sa NAIA

Nagkaroon ng balasahan sa halos 400 tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Bahagi ito ng mga hakbang ng ahensya upang maiwasan ang korupsyon.

Ayon kay BI Port Operations Division Chief Atty. Carlos Capulong, nasa 398 immigration officers ang apektado ng balasahan.

Pangalawang balasahan na aniya ito sa hanay ng BI-NAIA personnel sa taong 2022. Unang isinagawa ang balasahan noong buwan ng Marso.

Maliban sa mga BI officer na nakatoka sa immigration counters sa NAIA, nagpapatupad din ng daily reshuffle sa terminal assignments ng mahigit 80 immigration supervisors.

Samantala, inanunsiyo naman ni BI Commissioner Jaime Morente ang nakatakdang pagsisimula ng pagsasanay ng bagong 195 immigration officers.

Magsisimula aniya ang training program ng mga bagong empleyado ukol sa immigration laws, rules at procedures sa BI academy sa Clark, Pampanga.

Welcome rin sa BI Chief ang pagkakatalaga ng mga bagong BI inspector na makakadagdag sa bilang ng mga tauhan hindi lamang sa NAIA kundi maging sa iba pang international airports.

“We expect these new officers to assume their duties this September and their deployment will definitely solve our perennial problem of lack of manpower in our airports,” ani Morente.

Read more...