Canvassing ng boto sa presidential at vice presidential elections, umarangkada na sa Kongreso

Sinimulan na ng dalawang Kapulungan ng Kongreso ang pagco-convene bilang National Board of Canvassers para bilangin ang boto sa katatapos na presidential at vice presidential elections.

Gagawin ang canvassing saa Batasan Pambansa plenary hall sa Quezon City.

Sa hanay ng Senado, binubuo ito nina Majority Leader Juan Miguel Zubiri; Senate President Pro Tempore Ralph Recto; Senate Minority Leader Franklin Drilon; Senator Nancy Binay; Senator Imee Marcos; Senator Grace Poe; at Senator Pia Cayetano.

Sa hanay naman ng Mababang Kapulungan ay sina Majority Leader Martin Romualdez, Cavite Rep. Crispin Remulla, Cavite Rep. Abraham Tolentino; Pampanga Rep. Juan Bondoc; Marikina Rep. Stella Quimbo; Ilocos Sur Rep. Kristine Singson-Meehan; at AAMBIS-OWA Party-list Rep. Sharon Garin.

Una rito, sinabi ni Zubiri na target ng Kongreso na maiproklama ang susunod na presidente at bise presidente ng bansa sa Miyerkules, Mayo 25.

Nangunguna sa presidential race si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nakakuha ng mahigit 31 milyong boto laban kay Vice President Leni Robredo na nakakuha lamang ng mahigit 14 milyong boto.

Nangunguna naman sa vice presidential race ang anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Davao City Mayor Sara Duterte kontra kina Senate President Tito Sotto at Senator Kiko Pangilinan.

 

 

 

Read more...