Mula sa Senado, nasa kustodiya na ng Kamara ang Certificates of Canvass (COCs) at Election Returns (ERs) para sa pagbibilang ng mga boto ng mga kumandidato sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo.
Gamit ang military trucks ng AFP, bantay sarado sa mga Senate Security officers at miyembro ng AFP ang mga ballot boxes na naglalaman ng COC’s at ERs.
Kasunod nito ay bubuuin ang lahat ng mga senador at kongresista para sa joint session bukas para sa canvassing of votes.
Sa nakalipas na dalawang linggo, matapos ang eleksyon, tinanggap sa Senado ang 156 COCs o 90.17 porsiyento ng kabuuang 173 COCs.
Kahapon ay nakipagpulong na sina Senate President Vicente Sotto III at Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri kina House Speaker Lord Allan Velasco at House Majority Leader Martin Romualdez at pinag-usapan ang magiging proseso ng canvassing hanggang sa proklamasyon.
Inaasahan na sa Huwebes o Biyernes ay maiproproklama na sina dating Sen. Bongbong Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte bilang kapalit nina Pangulong Duterte at Bise Presidente Leni Robredo.