Nagpasalamat si Labor Secretary Silvestre Bello III sa wag boards ng tatlong rehiyon sa pakikinig sa kanjyang apela na madaliin ang pag-review sa kanilang minimum wage at gumawa ng hakbang sa mga petisyon patungkol sa wage adjustments.
Sa Wage Order No. RB1-21 ng RTWPB I, tataas ang sahod ng P60 hanggang P90 sa dalawa hanggang tatlong tranches. Matapos ang buong implementasyon ng tranches, ang minimum wage rate sa naturang rehiyon ay magiging P400 mula sa dating P372, P340 mula sa P282.
Sa inilabas namang Wage Order No. RB1-DW-03, magkakaroon ng P500 at P1,500 monthly wage increase sa domestic workers sa mga lungsod at first-class municipalities at iba pang munisipalidad. Dahil dito, nasa P5,000 na ang bagong monthly wage rate.
Sa Wage Order No. RTWPB-02-21 naman ng RTWPB II noong Mayo 17, may wage increase mula sa P50 hanggang P75 sa dalawa hanggang tatlong tranches. Matapos ang buong implementasyon ng tranches, magiging P420 na ang minimum wage mula sa dating P400 at P370 sa dating P345.
Sa ilalim naman ng Wage Order No. RXIII-17 ng RTWPB XIII noong Mayo 17, magkakaroon ng P30-wage increase kung kaya’t nasa P350 na ang bagong daily minimum wage rate sa naturang rehiyon.
Magiging epektibo ang bagong daily minimum wage rate na P350 sa bisa ng wage order sa mga pribadong establisyemento at kanilang mga empleyado sa Butuan City at probinsya ng Agusan del Norte, Agusan del Sur, at Surigao del Sur.
Para naman sa mga pribadong establisyemento at kanilang mga empleyado ng Dinagat Islands at Surigao del Norte, kasama ang Siargao Islands, epektibo ang P20 na wage increase sa bisa ng wage order at ang karagdagang P10 ay magiging epektibp sa Setyembre 1.
Isusumite ang mga bagong wage order sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) upang ma-review at magiging epektibo 15 araw matapos mailathala sa mga pahayagan.
Samantala, magiging epektibo naman ang bagong minimum wage sa National Capital Region at Western Visayas sa Hunyo 3, 2022 makaraang pagtibayin ng NWPC nitong Martes.