Mga mangingisda, magsasaka sa Laguna nakatanggap ng ayuda mula sa DA

DA photo

Naipamahagi na ng Department of Agriculture (DA) ang P366.5 milyong halaga ng financial assistance, machineries, at iba pa sa mga magsasaka at mangingisda sa Los Baños, Laguna noong Mayo 17.

Nasa kabuuang 56,823 na rice farmers mula sa CALABARZON ang nakatanggap ng P292,648,750 sa ilalim ng ikalawang bugso ng Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) Program, kung saan nabigyan ng P5,000 na subsidy ang rice farmers na nagsasaka sa 0.5 hanggang dalawang ektarya ng lupa.

Ipinakilala ni Assistant Secretary for Operations Arnel de Mesa ang Interventions Monitoring Card (IMC), isang multipurpose card na nagsisilbing identification at transactional card kung saan matatanggap ang cash assistance para sa DA beneficiaries.

Nakapaloob dito ang mga impormasyon ng benepisyaryo tulad ng pangalan, larawan, QR code, RSBSA number, at e-wallet card.

Layon ng IMC na mapagbuti ang distribution process ng kagawaran at matiyak na walang leakages.

“Ngayong taon, pinaganda po namin lalo ang IMC. Magkakaroon na po yan ng EMV chip. Ibig sabihin, bukod sa puwede niyo siyang i-withdraw sa ating ka-partner sa USSC at sa mga piling financial technology partners, puwede niyo na rin siyang gamitin sa ATM para mag-withdraw ng pera,” paliwanag ni Asec. de Mesa.

Inilunsad ang Fuel Subsidy Program ng DA sa Los Baños, kung saan nagbenepisyo ang 1,950 corn farmers (P 1.35 milyon) at 5,400 mangingisda (P 17.15 milyon) na may P3,000 cash subsidy bawat isa.

Katuwang ng DA sa naturang programa ang petrol retail outlets kabilang ang Shell, Petron, Total, Phoenix, Unioil, Seaoil, PTT, at G Little.

Nakatanggap din ang Provincial Government ng Laguna ng P48 milyong halaga ng makinarya sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Program (RCEF) ng DA at iba pang agricultural interventions na nagkakahalaga ng P7.4 milyon.

“In diversity, there is strength. And the call of the incoming administration for us is to unite. Dapat nating gawin na ang sektor ng agrikultura ay sama-sama, lahat po ng stakeholders, para maiangat po natin ang sektor ng agrikultura,” pahayag ni Agriculture Secretary William Dar.

Read more...